Abante - Dapat magbitiw na! - Heracio Paredes

Walang-hiyaan na! Sinisisi pa ni Philippine Olympic Committee president Peping Cojuangco sa kakulangan ng suporta ng gobyerno sa sports program nila kung kaya wala tayong naiuwing kahit na anumang medalya sa napakarami nang Olympics. Ano ba naman?

Ang dapat nga sana ay dahil sa kahihiyan na kanilang pinapalunok sa bansa natin sa sunud-sunod na Olympics, ang lahat ng mga namumuno sa Sports, ang mga namumuno sa lahat ng mga National Sports Association (NSA) ay magbitiw upang mabigyan ng pagka­kataon ang iba na makapaglingkod at subukan kung baka sakaling mapa­unlad nila ang ating Sports sa Pinas.

Napakalaki na nga ng kwartang inuubos natin sa Sports, sasabihin pang kulang daw kasi ang pondo kung kaya wala silang mapakitang resulta. Walang-hiyaan na nga!

Labing-anim na taon na ang nakakalipas mula noong nakakuha tayo ng silver galing sa laro ng ating boxer na si Manueto Velasco sa 1996 Olympics sa Atlanta sa Amerika. ‘Ika ni Cojuangco na wala silang magagawa kung kulang ang kwarta galing sa gobyerno kahit na ang Olympic Spirit ay dapat na hindi ang gobyerno ang nagpopondo sa mga atleta ng bansa kundi ang mga pribadong mga asosasyon ng sports.

Sa banat sa kampanya ng ating Senador Antonio Trillanes IV, ang sagot ni Cojuangco ay “In conclusion, how much are we willing to spend for sports?

“How much are we willing to pay the coaches? Our Filipino coaches go abroad because they are paid more. And our athletes get P6,000, P8,000 and P10,000 a month.

“My counterpart from Thailand said they pay their athletes twice as much as we do. It’s good that some of our athletes are members of the Armed Forces because they earn more.”

Tama ang senador. Ayon kay Trillanes, ay wala tayong maaasahan habang si Cojuangco ang namumuno sa POC: “Expect more dismal performances from our athletes unless our NSAs elect a new POC president and replace Mr. Cojuangco.”

Ngayong Nobyembre 30, tatakbo ulit si Cojuangco upang makamit ang ikatlong termino bilang pangulo ng POC. Inaasahang ang kanyang bise na si Manny Lopez ay kakalabanin siya. Ngunit, kahit na manalo si Lopez, magbabago ba kaya ang ating sports program? Ang una ko ngang gustong malaman ay meron nga bang program na pagalingin ang ating mga atleta sa kanilang mga sport?

Ayon naman kay Chairman ng Philippine Sports Commission (PSC) Richie Garcia: “We cannot produce superman.”

Hindi naman kailangan si Superman. Kahit na isa lamang Usain Bolt, pwede na. Ito’y walang coach at galing sa isang bansa na mas maliit pa ang kwartang ginagastos sa Sports ngunit si Bolt lamang ay tatlo ang medalya. Marami pa ring ibang atleta ang nag-uwi rin ng mga medalya para sa kanilang bansang Jamaica!

* * *

Meron na namang sumulat tungkol sa reader na kumalaban sa RH Bill: “Gusto ko lang pong mai-share ang aking saloobin patungkol po sa pagkumpara ng Pilipinas sa China, tungkol sa RH bill.

“Sa China po ako nagtatrabaho sa loob ng 20 taon. Para po sa karagdagang kaalaman ng karamihan, ang isang pamilya rito sa China ay pwede lang pong mag-anak ng isa, at kung ikaw ay papalarin na magkaanak ng babae sa unang pagsilang ay pwede pa pong mag-anak ng isa pa.

Kung lalaki ang unang anak naman, hindi na po pwede dahil magbabayad na ng buwis ang magulang ng bata kapag sobra sa isa ang anak. Hindi magkakaroon ng ID ang bata at hindi po pwedeng pumasok sa eskwela kapag hindi nagbayad ng kaukulang parusa.

“May mga kaibigan po ako rito sa China na nagkaasawa ng Chinese at ayon sa kanilang paniwala, ang isang myembro ng pamilya kapag sumakabilang buhay na wala pang 50 ang edad ay nabubura sa kanilang alaala.  Ibig sabihin mga litrato mga damit, gamit ay ibabaon nila o kaya ay susunugin at walang ititira, erase lahat. Noong unang henerasyon ng mga Intsik sila dumami dahil wala pang batas tungkol sa 1 child policy. Kung hindi siguro dahil sa batas na ito, malamang masahol pa sa India ang China sa dami ng tao. Legal ang abortion dito.

“Para po sa akin, maganda ang layunin ng RH bill dahil magkakaroon ng programa ang gobyerno natin upang matulungan ang mga kapos at nasa atin na lang po ‘yun kung tayo ay makiisa o hindi.  Ang importante merong pag-asa ang mamamayan sa kahirapan.
“Maraming salamat po.” -- Henri Maquinta

* * *

Basahin ang aking mga  kolum sa www.duckyparedes.com/blogs. Mag-email sa duckyparedes@yahoo.com.