Abante - Obama – Ang tindi ng gimik - Dennis Garcia

Hindi pa man lumalabas, ang librong “No Easy Day: The Firsthand Account of the Mission That Killed Osama Bin Laden” ay number one na sa Amerika at daan-daang libong order na ang natanggap.

Hindi natutuwa ang mga opisyales ng Pentagon ‘pagkat ayon sa kanila, maraming lihim ang ibinulgar ng libro tungkol sa mga taktika ng SEALs – ang matinding tropa ng US Navy na inatasang patayin ang terorista.

Ito’y isinulat ni Matt Bissonnette – isang dating kasapi sa SEALs at bahagi ng grupong pumatay kay Bin Laden. Ang gamit niyang pangalan sa bestseller ay Mark Owen.

Nagdadalawang-isip ang mga abogado ng Pentagon kung kakasuhan si Matt ‘pagkat may posibilidad na mas maraming sikreto pa ang maaaring mabulgar habang dinidinig ang kaso.

*** 
Kasabay ng libro ay papalabas na rin ang pelikulang “Zero Dark Thirty” na nakasentro pa rin sa US Navy Seals at sa kanilang pagsugod sa Pakistan noong Mayo, 2011 para patayin si Bin Laden, sa utos ni US President Barack Obama.

Ayon sa Judicial Watch Group, isang grupo ng mga aktibista, sobra-sobra daw ang inalay na tulong ng admi­nistrasyon ni Obama sa mga gumawa ng pelikula.

Siguro, mas mainam kung tatahimik na lang ang grupo. Alam naman nating eleksyon sa Amerika at sa mga ganitong panahon… ang nasa isip ng bawat kandidato ay kung papaano pumapel nang husto. Kanya-kanyang gimik. Epalistic din ang mga Kano, noh.

***

“Wag mo kaming pakialaman”, ito ang galit na hirit ni Peping Cojuangco – pinuno ng Philippine Olympic Committee (POC) – nang binatikos ni Sen. Trillanes ang kakayanan ni Cojuangco at tinawag siyang pinakama­laking sagabal sa pag-asenso ng sports sa Pilipinas.

Dagdag ni Trillanes na mula nang maging POC president si Cojuangco noong 2005, walang napanalunang medalya ang Pilipinas sa dalawang naganap na Olympics.

Dedma lang si Cojuangco sa mga batikos – at itutuloy ang kanyang pagtakbo sa darating na POC elections na para sa ikatlong termino bilang presidente.

Medalya? Mahalaga ba ‘yon?

***

Huling hirit. Sa kauna-unahang panahon, ang ­McDonald’s, na sumikat dahil sa kanilang hamburger, ay magbubukas ng mga outlet na walang karne sa menu.

Vegetarian ang bagong imahe ng McDonald’s sa India para maakit ang nakararaming mga Hindu na ‘di kumakain ng karne. Sa relihiyon nila, ang mga baka ay sagrado.

Sa kasalukuyan, maliit na merkado ang India para sa McDonald’s. Ang mga restoran nila rito ay 271 lamang samantalang 33,000 ang bilang sa buong mundo.

Baka kailangan na ring palitan ang pangalan nila. McGulay kaya?