Abante Tonite - Carpio, Abad pinaboran sa CJ post by Boyet Jadulco

Kung makikinig lamang si Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III, nais ni Senador Antonio Trillanes IV na ang pagpi­lian lamang sa pagka-Chief Justice ay sina Associate Justices Antonio Carpio at Roberto Abad.

Kumbinsido si Trillanes sa kapabilidad ng sinuman sa dalawa para pamunuan ang High Court matapos na mapatalsik si dating Chief Justice Renato Corona ng Senate Impeachment Court.

“Ang gusto ko sina Carpio at Abad,” wika ng senador.

Ang 62-anyos na si Carpio, produkto ng University of the Philippines (UP), ang itinuturo ni Corona na siyang may pakana sa pagpapatalsik sa kanya habang ang 68-anyos na si Abad ay nagtapos naman sa Ateneo de Manila University.

Minsan nang nakaalitan ni Trillanes ang isa pang kandidato na si Justice Secretary Leila de Lima, pero nagkaayos na umano sila nang harangin ng kalihim ang pag-alis sa bansa ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Umaabot sa 20 ang kandidato sa puwestong binakante ni Corona, pero tatlo lamang sa kanila ang pipiliin ng Judicial and Bar Council (JBC) para irekomenda kay Pangulong Aquino.