Abante Tonite - Pare-parehong pangalan pa rin sa susunod na Senado

by Ellen Tordesillas

13 March 2013

Nang umuwi ako sa aming probinsiya noong isang buwan, ipinaalala sa akin ng aming kapitbahay ang listahan ng mga iboboto nila para senador.

Sabi nila, “Hindi naman namin kilala ang mga ‘yun. Kung sino ang sasabihin mong makakatulong sa bansa, ‘yun ang bobotohin namin.”


Tuwing eleksyon, ganyan ang ginagawa ko para sa aming mga kapitbahay. Si Sen. Antonio Trillanes IV nasa listahan nila dahil nakahingi ang aming barangay ng tulong para sa farm-to-market na kalsada. Mas madali na para sa mga magsasaka sa liblib na lugar na magdala ng kanilang mga produkto sa bayan.  Mas madali na ring lumuwas sa bayan ng mga tao, kasama na roon ang mga mag-aaral.


Sinabi ng aming barangay captain, sumulat siya sa mga senador at si Trillanes lang ang sumagot sa kanya.
Nasa baryo kami at wala namang kandidato sa nasyunal na posisyon na nakakarating roon. Sa TV lang nila nakikita ang mga kandidato.


Kung wala akong listahan na ibibigay sa kanila, kung sino lang ang may pangalan na pamilyar, ‘yun ang iboboto nila.


Hindi pambihira ang sitwasyon ng aking mga kapitbahay. Ganu’n din naman sa buong bansa. Ito ay makikita sa mga resulta ng mga survey para sa senador. Kaya, lamang ang mga re-electionist dahil pamilyar na ang mga pangalan.


Kahit sa hindi mga re-electionists, ang pasok sa Magic 12 ay pangalan ng mga kandidato na kilala na. “Name recall” ang tawag d’yan. ‘Yung madaling matandaan. Katulad ni Grace Poe, anak ng yumaong hari ng pelikula na si Fernando Poe, Jr. na dinaya ni Gloria Arroyo sa 2004 na eleksyon sa pagka-presidente.


Si Bam Aquino naman, siyempre natutunugan ng pangalang “Aquino”. Kahit nakaka-turn-off ang panggagaya niya sa kanyang tiyuhin na si Ninoy Aquino.


Si Cynthia Villar, maganda ang pwesto sa Top 12. Dating kongresista ng Las Piñas si Cynthia Villar ngunit masasabi natin na malaki ang naitulong ng kanyang asawa, si Sen. Manny Villar, na naging kandidato sa pagka-presidente noong 2010.


Sa survey ng Pulse Asia na ginawa noong isang buwan (Peb. 24–28), pasok pa rin sina Sen. Gringo Hoansan at Rep. Jackie Enrile, anak ni Senate President Juan Ponce-Enrile.


Sa survey na ginawa ng Social Weather Station noong Peb. 15 hanggang 17, isang linggo lang bago ang survey ng Pulse Asia, laglag na sa Top 12 sina Honasan at Enrile.


Mga dalawang buwan na lang bago ang eleksyon. May konting pagbabago siguro sa mga nasa dulo ng listahan. Ngunit ganu’n pa rin ang mangyayari. Pare-parehong pangalan pa rin sa Senado.

*** 

Blog: www.ellentordesillas.com

E-mail: ellentordesillas@gmail.com