Abante Tonite - PREDIKSYON NA 10 SA TEAM PNOY INISMOL NI GRINGO

Minaliit lang ni Sen. Gringo Honasan ang prediksyon ni Albay Gob. Joey Salceda, na 10 kandidato ng Team PNoy ang makakapasok sa Top 12 sa lalawigan ng Albay.


Sa dalawang senatorial candidate ng United Nationalist Alliance (UNA) na mananalo sa Albay, tinukoy ni Salceda sina San Juan Rep. JV Ejercito at resigned senator Juan Miguel Zubiri, ang tanging makakapasok sa winning circle sa lalawigan.


Ayon kay Honasan, tubong Sorsogon na siyang kapitbahay lamang ng lalawigan ng Albay, hindi niya iniinda ang prediksyon ni Salceda dahil hindi naman siya ang magpapanalo sa mga kandidato. “‘Yung mga botante ang magde-decide niyan, hindi si Gob. Salceda,” wika ng senador.


Nilinaw naman ng senatorial candidate ng UNA na wala silang pinag-aawayan ni Salceda para ilaglag ang kanyang pangalan sa posibleng manalo sa Albay.


Sa tantiya ni Honasan, ang voting population ng Bicol Region ay umaabot sa tatlong milyon kapag pinagsama-sama ang mga botante ng Camarines Sur at Norte, Albay, Sorsogon at Masbate.


Pangkaraniwang nakakakuha ng malaking boto sa Bicol Region ang mga kandidatong bikolano tulad nina Sen. Honasan, Sen. Francis Escudero at Sen. Antonio Trillanes.

Nakakuha rin ng malaking boto si Sen. Alan Peter Cayetano sa Bicol Region noong 2007 elections dahil ang asawa nitong si Taguig City Mayor Lani Cayetano ay tubong Albay.