Abante Tonite - Si Alan naman sa student survey

Matapos pangunahan ni Sen. Francis 'Chiz' Escudero, ang U-Belt survey, si Sen. Alan Peter Cayetano naman ang lumabas na top choice sa hanay ng mga estudyante sa isa pang survey.

Sa resulta ng survey ng Campus Paper, si Ca­yetano ang lumabas na top choice matapos makakuha ng 67.6% na mas mataas ng 10.8% sa pumapangalawang si Escudero na nakakuha ng 56.6%.

Pangatlo sa survey si dating Sen. Juan Miguel Zubiri na mayroong 48% habang ikaapat si Sen. Loren Legarda na nakakuha ng 46.6%.

Pumasok naman sa top 5 si Bam Aquino na may 42.6% habang ika-6 naman si Cagayan Rep. Jack Enrile na may 42.4% at ika-7 at ika-8 sina Nancy Binay at Sen. Antonio Trillanes IV na kapwa nakakuha ng 40%.

Nasa top 9 naman si San Juan Rep. JV Ejercito na may 39.2% habang 38.6% si Sen. Aqui­lino 'Koko' Pimentel III na ika-10, at ika-11 si Aurora Rep. Juan Edgardo 'Sonny' Angara na may 37.4% at ika-12 si dating Sen. Richard Gordon na may 36.6%.

Sa mga nabanggit, pito dito ay mula sa Team PNoy na kinabibilangan nina Cayetano, Escudero, Legarda, Aquino, Trillanes, Pimentel at Angara habang lima naman sa United Nationalist Alliance (UNA) na sina Zubiri, Binay, Enrile, Ejercito at Gordon.

Ginawa ang survey noong Nobyembre hanggang Disyembre 2012 sa may 500 estudyante ng De La Salle University, University of Santo Tomas, Far Eastern University, Lyceum of the Philippines University, Adamson University, Arellano University, St. Paul University, Mapua Institute of Technology, at University of Makati.