Abante Tonite - Survey puwede pang mabago

Bagama't pumabor sa kanilang mga kandidato ang resulta ng survey ng Social Weather Station (SWS), ayaw umanong maging kampante ng Team PNoy dahil maaari pa umanong magbago ito habang papalapit ang eleksyon.

Ayon kay Team PNoy spokesman at Marikina Rep. Miro Quimbo, maaari pang magbago ang resulta ng survey kung saan siyam na kandidato ng mga ito ang pumasok sa magic 12 at 3 lamang sa United Nationalist Alliance (UNA).

"Malayo pa ang hala­lan at hindi ibig sabihin na kung sino ang nasa survey ngayon ay siguradong lalabas sa araw ng eleksyon," pahayag ni Quimbo kahapon kaya kakayod umano ng husto ang kanilang mga kandidato.

Kabilang sa mga kandidato ng Team PNoy na pumasok sa magic 12 sa February 15-17 survey ay sina Sens. Loren Legarda, Chiz Escudero, Alan Peter Cayetano; Cynthia Villar, Grace Poe; Sens. Aquilino 'Koko' Pimentel III, Antonio Trillanes, Rep. Juan Edgardo Angara at Bam Aquino.

Tanging sina Nancy Binay, San Juan Rep. JV Ejercito at dating Sen. Juan Miguel Zubiri naman ang pumasok sa hanay ng UNA.