Balita - Enrile laglag sa Magic 12

Walong senatorial bet ng administrasyon at apat sa oposisyon ang pasok sa posibleng manalo sa May 2013 elections, ayon sa survey ng Issues and Advocacy Center (The Center).

Tinanong sa face-to-face survey noong Pebrero 12 hanggang 18 sa may 1,200 respondent: “Kung gaganapin ang eleksiyon bukas, sino sa mga kandidato na nasa listahan ang iboboto ninyo?“ Pasok sa Top Four ang mga Team PNoy bet na sina Sen. Loren Legarda (59.8 porsiyento), Sen. Francis Escudero (54.8 porsiyento), Sen. Alan Peter Cayetano (54.08 porsiyento), at dating Las Piñas Rep. Cynthia Villar (52.08 porsiyento).

Umangat si Villar sa ikaapat na puwesto mula sa ikaanim noong Enero.

Tabla naman sa ika-lima hanggang ika-pitong puwesto sina United Nationalist Alliance (UNA) candidate San Juan Rep. JV Ejercito (50.9 porsiyento), TPNoy candidate Sen. Aquilino Pimentel (50.08 porsiyento) at UNA nominee Nancy Binay (50.04 porsiyento).

Umangat sa ika-walong puwesto mula sa ika-11/ika-12 puwesto si Team PNoy candidate Grace Poe-Llamanzares (48.08 porsiyento) at Sen. Antonio Trillanes IV (46.08 porsiyento) sa ika-siyam mula sa ika-11/ ika-12.

Tabla rin sa ika-10ika-11 puwesto sina dating Senador Migz Zubiri (44.08 porsiyento) at Sen. Gregorio Honasan (44.08 porsiyento).

Naka-posisyon naman si Team PNoy bet Rep. Juan Edgardo Angara sa ika-12 posisyon mula sa ika-13/ika14.

Bumubuntot sa ika-13/ika14 posisyon sina presidential cousin Paolo Benigno Aquino IV (36.16 porsiyento) at Sen. Ramon Magsaysay Jr. (34.9 porsiyento), na kapwa Team PNoy candidate.

Si Cagayan Rep. Jack Enrile ay nalaglag naman sa ika-15/ika17 puwesto mula sa ika-siyam.

– Ellalyn B. De Vera/ Manila Bulletin