Remate - HULI NA ANG UNA

MUKHANG sa kangkungan pupulutin ang mga kandidato ng United Nationalist Alliance (UNA) matapos na 3 lamang sa mga kandidato nitong senador ang pumasok sa magic 12 sa katatapos pa lamang na SWS survey.

Iba talaga kasi ang hatak ni Pangulong Noynoy Aquino sa kanyang mga kandidato dahil malinaw naman na saludo sa kanya ang taumbayan dahil sa kanyang ipinakikitang “tuwid na daan” sa pagpapalakad ng pamahalaan.

Malaking bagay rin ang pagsama ng Pangulo sa Team PNoy dahil ang kanyang bango sa mamamayan ang pinagbabasehan kung bakit tutulungan nila ang mga admin bet.

Malinaw din na mas walang batik ng katiwalian ang mga kandidato ng Team PNoy katulad nila Sens. Loren Legarda, Chiz Escudero, Allan Cayetano, Antonio Trillanes, Koko Pimentel, dating MTRCB boss Grace Poe, Rep.Sonny Angara, dating Rep. Cynthia Villar at Bam Aquino.

Kung pagbabasehan din ang performance ng mga incumbent senator na nasa Team PNoy ay talaga namang ‘di matatawaran dahil nagtrabaho naman talaga ang mga ito sa Senado, dagdag pa rito ang kanilang puso at matapang na pakikialam sa mga isyu ng bayan.

Pabigat na nang pabigat ang laban ng UNA at iyan ay ipinakita na sa mga pahayag ni Rep. Toby Tiangco, tagapagsalita ng grupo nina Erap, Binay at Enrile dahil mukhang aminado silang mali ang kanilang taktika at nararamdaman nilang tutukod sila sa laban.

Sa maikling salita, banderang kapos ang UNA at diyan pinakikinabangan ang tactician ng Team PNoy dahil alam nila ang kahinaan ng hilaw na oposisyon at alam din nilang gamitin ang kabanguhan sa tao ni Pangulong Noynoy Aquino.

Marami pang tiyak na magaganap sa kampanya pero tiyak na aangat pa ang 3 kandidato ng Team PNoy na sina dating Senador Jun Magsaysay, Riza Hontiveros at Jamby Madrigal.