Abante - Sahod ng titser, doblehin

Itinulak ng isang senador ang panukalang batas na naglalayong doblehin ang suweldo ng mga guro sa pampublikong paaralan sa susunod na tatlong taon. 

Sa ilalim ng kanyang panukala, nais ni Sen. Antonio Trillanes IV na ga­wing Salary Grade 20, mula sa kasalukuyang Sa­lary Grade 11 ang sahod ng mga public school teacher. 

Batay sa kasalukuyang Salary Standardization Act, ang Salary Grade 11 ay may katumbas na suweldo lamang na P18,549.00 kada buwan pero kung aaprubahan ang panukala ng senador ay dodoble sa P36,567.00 kada buwan ang suweldo ng mga guro na siyang itinatakda ng Salary Grade 20. 

“Itinuturing ang mga guro bilang taga-hurno ng ating kabataan at pa­ngunahing nagsusulong ng sistema ng edukasyon. Ngunit isa sila sa may mga pinakamabababang suweldo bilang propesyonal sa bansa,” giit ni Trillanes. 

“Sa madaling sabi, nararapat at kinakaila­ngang itaas ang suweldo ng ating mga pampublikong guro bilang pagkilala sa kahala­gahan at kritikal nilang papel sa ating lipunan,” dagdag pa nito.   

Iminungkahi ni Trillanes na simulan na ng Department of Education (DepEd) ang paglikha ng budget proposal na magtatakda ng halagang maaaring gugulin para sa pagpapataas ng antas ng suweldo ng lahat ng mga pampublikong guro sa susunod na tatlong taon. 

-Boyet Jadulco