Trillanes, muling nagbabala sa ‘black propaganda’ laban sa kanya


Mariing kinondena ni Senador Antonio “Sonny” F. Trillanes IV ang patuloy na kumakalat na mapanirang propaganda na nag-uugnay sa kanya bilang isa sa may-akda ng umano’y panukalang batas na naglalayong bawasan ang benepisyo ng mga retiradong sundalo at pulis at ang sweldong natatanggap ng mga guro.
 
“Ito ay mga black propaganda na ipinapakalat ng aking mga kalaban sa pulitika upang sirain ang tiwala sa atin ng mga sundalo, pulis at guro,” ani Trillanes.
 
Sa katunayan, inihayag ni Trillanes ang kanyang nagawa upang mapabuti ang kalagayan at kapakanan ng mga sundalo, pulis, at guro.
 
Magugunitang si Trillanes ang isa sa mga may-akda ng Salary Standardization Law na nagtaas ng sahod ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno, kabilang ang mga sundalo, pulis, at guro.
  
Siya rin ang pangunahing may-akda ng AFP Modernization Law na nagpalawig ng modernization program ng AFP upang tuluyang mapalakas ang Sandatahan.
 
Ilan sa iba pang mga panukala ni Trillanes na nagbibigay benepisyo sa mga kawani ng AFP at PNP ay ang pagdaragdag ng quarters allowance, subsistence allowance, at combat duty ng mga ito. Kasama na rin dito ang pagsulong sa pagbayad ng backpay sa pension ng mga beterano at retiradong sundalo at pulis.
 
Sinusulong din ni Trillanes ang pagtataas ng minimum salary grade ng mga pampublikong guro mula Salary Grade 10 patungong Salary Grade 20.
 
Nanawagan si Senador Trillanes sa mga botante na maging mapanuri sa mga black propaganda at kilalaning mabuti ang mga tumatakbong kandidato.