Trillanes, muling nagbabala sa ‘black propaganda’ laban sa kanya

Mariing kinondena ni Senador Antonio “Sonny” F. Trillanes IV ang patuloy na kumakalat na mapanirang propaganda na nag-uugnay sa kanya bilang isa sa mga may-akda ng umano’y panukalang batas na naglalayong bawasan ang benepisyo ng mga retiradong sundalo at pulis, at ang sweldo at benepisyong natatanggap ng mga guro at iba pang empleyado ng gobyerno.

 

“Ito ay mga black propaganda na ipinapakalat ng aking mga kalaban sa pulitika upang sirain ang tiwala sa atin ng mga sundalo, pulis, guro, at iba pang empleyado ng gobyerno,” ani Trillanes.

 

Sa katunayan, inihayag ni Trillanes ang kanyang nagawa upang mapabuti ang kalagayan at kapakanan ng mga sundalo, pulis, guro, at mga empleyado ng gobyerno.

 

Magugunitang si Trillanes ang isa sa mga may-akda ng Salary Standardization Law na nagtaas ng sahod ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno, kabilang ang mga sundalo, pulis, at guro, at ng Immediate Release of Retirement Benefits Law na nagtatakda ng agarang pagbibigay ng mga benepisyo ng mga magreretirong kawani ng gobyerno sa loob lamang ng 30 araw mula sa oras ng pagreretiro. 

  

Siya rin ang pangunahing may-akda ngAFP Modernization Law na nagpalawig ng modernization program ng AFP upang tuluyang mapalakas ang Sandatahan.

 

Ilan sa iba pang mga panukala ni Trillanes na nagbibigay benepisyo sa mga kawani ng AFP at PNP ay ang pagdaragdag ng quarters allowance, subsistence allowance, at combat duty ng mga ito. Kasama na rin dito ang pagsulong sa pagbayad ng backpay sa pension ng mga beterano at retiradong sundalo at pulis.

 

Sinusulong din ni Trillanes ang pagtataas ng minimum salary grade ng mga pampublikong guro mula Salary Grade 10 patungong Salary Grade 20, at ang pagbibigay ng security of tenure sa mga casual at contractual na empleyado ng gobyerno.

 

Nanawagan si Senador Trillanes sa mga botante na maging mapanuri sa mga black propaganda at kilalaning mabuti ang mga tumatakbong kandidato.#