Trillanes sa publiko: Huwag maniwala sa 'black propaganda'

Muling nagbabala si Senador Antonio "Sonny" F. Trillanes IV sa walang humpay na mapanirang propaganda na nag-uugnay sa kanya sa umano'y panukalang batas na naglalayong bawasan ang benepisyo ng mga magreretirong sundalo at pulis at ang sweldo ng mga guro.
 
Tinawag ni Trillanes ang nasabing 'black propaganda' na desperadong pagtatanggka upang sirain ang kanyang kandidatura.
 
Nanindigan ang senador na hindi magtatagumpay ang anumang tangkang sirain siya sapagkat ang mga ito ay pawang kasinungalingan.
 
Simula ng mag-umpisa ang kampanya, naging paksa na si Trillanes ng black propaganda sa pamamagitan ng text messaging at pulyetos na ipinamimigay mismo sa mga kampo ng sundalo at pulis sa buong bansa na sinasabing siya raw ay may-akda ng mga panukala sa Senado na magbabawas ng benepisyo ng mga magreretirong sundalo at pulis at magtatanggal sa sahod ng mga guro tuwing bakasyon ng mga estudyante.
 
Magugunitang si Trillanes ang isa sa mga may-akda ng Salary Standardization Law na nagtaas ng sahod ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno, kabilang ang mga guro at mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
  
Kamakailan lamang ay naisabatas na rin ang bagong AFP Modernization Law na kung saan si Trillanes din ang pangunahing may-akda. Layon ng nasabing batas na palawigin ang modernization program ng AFP.
Ilan sa iba pang mga panukala ni Trillanes na nagbibigay benepisyo sa mga kawani ng AFP at PNP ay ang pagdaragdag ng quarters allowance, subsistence allowance, at combat duty ng mga ito. Kasama na rin dito ang pagsulong sa pagbayad ng backpay sa pension ng mga beterano at retiradong sundalo at pulis.
 
Sinusulong din ni Trillanes ang pagtataas ng minimum salary grade ng mga pampublikong guro mula Salary Grade 10 patungong Salary Grade 20.
  
Hinikayat ni Trillanes ang bawat-isa na maging mapanuri sa mga naririnig na balita at maging mapagmatyag sa mga kumakalat na black propaganda ngayong eleksyon.#